Ispirito ng Mana
ni Kamanang Rey Bajenting
(Ito ang huling labas ng Llamado Tayo sa Tumbok na pang-arawaraw. Pagkatapos nito ang Tumbok ay weekly na ang labas.)
Itaguyod natin ang kapakanan ng kapwa masang nagmamanok. Ito ang simulain ng Masang Nagmamanok (Mana)
Dahil alam natin na ang karaniwang sabungero ang tunay na gulugod ng industriya ng sabong. At, tiyak, pagdating ng panahon, ang masang nagmamanok ang payak na sabungero tulad ni Juan, Pedro at Pablo, ang malalagay sa harapan sa pakikipagdigma upang ipaglaban ang sabong.
Ang kapalaran ng sabong sa ibat-ibang lugar ng mundo ay kung saan ito’y naging labag sa batas, ay bunsod sa tinatawag na numbers game. Ang mga argumento sa magkabilang panig ay patas lang, dahil depende ito sa punto de vista ng nakikinig. Ngunit ang dahilan bakit sa maraming bansa ay natatalo ang sabong, ay ang takot ng mga politiko na matalo sa eleksyon.
Sa mga bansa kung saan popular ang mga animal protection movement, tiyak walang panalo ang sabong. Dito sa Pilipinas medyo mahihirapan sila dito dahil sa dami ng mga sabungero. Ngunit hindi tayo dapat maging kampante na nakasandal sa sinasabing dami na yan. Marupok ang dami natin kung walang pagkakaisa at pagpupunyagi.
Marunong ang kalaban. Magulang na rin sila sa ganitong uri ng labanan. Gamit nila lahat dahil may pundo sila. Ang People of the Ethical Treatment of Animals (PETA) ay may annual budget na 30 million US dollars. Isa lang ang PETA sa maraming katulad na organization.
Dahil sa kanilang pundo ang mga organisasyon na ito ay makakagamit ng public relations, advertisements, propaganda, information at education program, political lobbying, at social positioning. Nakababayad sila ng mga mamahaling modelo, ang iba ay naghuhubad pa sa ngalan ng animal rights. Pinagaralan nila ang mga mensahe na dapat iparating sa bawat target public. Samantalang, sa kabilang panig, tayo ay hindi pa organisado na makipag digma sa kanila.
Hindi pa nga natin damdam ang panganib. Kampante pa tayo na hindi kailan man mangyayari sa Pilipinas ang nangyari sa Europa, North at South America at sa maraming bansa sa Asia. Katulad din nito ang pagiisip ng mga Amerikano may ilang taon lang ang nakalipas. May panahon pa nga na napaka-importante ng mga tao na naugnay sa sabong sa Amerika. Mga politiko, huwes at maging si Presidente Abraham Lincoln.
Ngunit tingnan ngayon ano ang nangyari sa sabong sa Estados Unidos. Labag na sa batas.
O baka nga lang na ang ilan sa atin ay walang paki kung ano man ang mangyari sa sabong?
Baka nga. Dahil kung ikaw ay isang sugarol, kung mawala ang sabong, marami pang sugal. Kung ikaw ay nagnenegosyo sa sabong, marami pang negosyo na maaring pasukin kahit wala na ang sabong. Kung kasiyahan lang ang habol mo sa sabong, maraming ibang kasiyahan.
Ang talagang makipaglaban ng patayan para sa sabong ay tayo na ang tingin sa sabong ay bahagi ng buhay Pilipino, bilang bahagi ng ating kultura na namana natin sa mga kanunuan; bilang industriya na naging kabuhayan ng maraming mahihirap; at bilang isang tradisyon na makapagdulot ng magagandang asal at aral sa buhay.
Ito ang ispirito ng Mana, mga kamana.
Magiging weekly na ang labas ng Tumbok. Samakatuwid di na araw-araw na tayo ay magkakasama. Ano man ang kalalabasan sa pagbabagong ito, tandaan natin na sa loob ng dalawang taon nating pagsasama ay may nagawa na rin tayo kahit kaunti para sa sabong at sa karaniwang sabungero.
Ang pagkabuo ng samahan natin na Masang Nagmamanok (Mana) ay isang hakbang patungo sa wastong direksyon. Huwag natin itong sayangin. Ipatuloy natin ang ispirito ng Mana.
Sa loob ng panahong nagsamasama tayo ay nakapag daos tayo ng mga libreng seminar at trainings; Naka pagtalakayan tayo ng husto dito sa Tumbok hinggil sa wastong pagmamanok; nakapunta tayo at nakapamahagi ng kaalaman sa ilang farm sa iba’t-ibang lugar ng bansa para sa hands-on- at-farm technology transfer. Natugunan natin ang daan-daang tanong ng mga mambabasa ng Llamado tayo. May blog tayo sa internet, tilaok.blogspot.com.
Ngayon sa 2009, may dalawang malalaking proyekto tayong inumpisahan. Ang Voltplex Kill Quick Welfare Series at ang ating Gamefowl Dispersal Program sa Teresa, Rizal. At, dahil sa di inaasahang pangyayari na mag-weekly ang Tumbok, balak natin magpalabas ng newsletter at kung kaya, isang magazine na angkop sa ating pangangailangan. At, manatiling bukas ang ating telepono 0927-995-4876.