Tuesday, May 5, 2009

Breeding materials: Hanggang abot-kaya


Sa Paghanap ng magaling na palahiin

Unang-una ay huwag tayong magdalawang isip na gumasta ng malaking halaga, hanggang sa abot ng ating makakaya, sa pagbili ng mga pangasta o palahiin.

Kung may isang bagay na saan hindi tayo dapat magtipid, ito pagdating sa pagbili ng broodcock at broodhens.

Ang inisyal na halaga ng breeding materials, gaano man ito kamahal, ay kalaunan ay napakaliit na lang kung ihahambing sa gastos sa mga pabahay at ibang gamit sa manukan, pakain, at sahod ng mga tauhan.

Lalo na kung idadagdag pa natin ang panahon na masasayang pag lumabas ba bulok ang ating mga palahi dahil bulok ang materyales na nakuha natin.

Sa katanyagan ng sabong ngayon hindi na mahirap maghanap ng materyales. Madali nang makuha nang mga numero ng telepono ng mga sikat na manlalahi dito sa ating bansa, maging sa Amerika, dahil sa naglabasang libro, magazine at programa sa tv tungkol sa larong sabong.

Ang gawin nyo lang ay magpasya kung anong lahi ng manok ang gusto nyo, anong uri ng istilo sa paglaban.

Kaya mahalaga na ang manlalahi ay may kaalaman sa sabong, "in general", at hindi lang sa pagpapalahi. Dahil kung di mo alam kung anong uri ng manok ang nagpapanalo ay hindi mo rin malalaman kung anong manok ang mainam ipalabas sa iyong palahian.

Kung alam mo na ang pakay mo sa iyong pagpapalahi ay mag-umpisa kang magmasid kung sinu-sino sa mga manlalahi ang mga ganitong palahi.

Alamin mo ang presyo ng kanilang mga pangasta at nang malaman mo kung alin sa mga ito ang abot-kaya mo.

Kung makakaya mo ang presyo ng mga malalaki at kilalang manlalahi, mas mabuti na doon ka na kumuha. Kung hindi, huwag mawalan ng pag-asa sapagkat may mga maliliit na palahian na maaaring may magagaling na linyada na angkop sa iyong hinahanap.