
Araw ng laban
Sa araw ng laban mas maige na maaga pa lang ay nasa sabungan na ang mga manok. Kailangan nasa sabungan na sila bago magbukang liwayway. Dapat po kasi hindi pa nakakakain ang manok ay nakarating na ito dahil kung busog baka hindi ito matunawan pag ma-stressed sa biyahe.Mas maige rin na madilim pa i-biyahe ang mga ito upang hindi malikot.
Talagang dapat ito. Lalo’t-lalo na kung malayo ang ating lugar sa sabungan kung saan tayo maglalaban.
Ang pinakamahalagang dahilan kung bakit mas mabuting maaga dumating ang mga manok sa sabungan ay upang doon na sa sabungan sisimulan ang pagpapatuktok. Mahirap na at baka maudlot ang pagpaptuktok kung sa kalagitnaan ng proseso ay ibi-biyahe pa ang manok.
Pagdating sa sabungan huwag agad ilabas sa travelling box. Hayaan muna sa isang tabi ang box upang maka-recover ang manok sa pagkahilo sa biyahe.
Pagkalipas ng ilang sandali ilabas ang manok at ilagay sa limber pens. Obserbahan at pagmasdang maige kung walang problema. Timbangin bago pakainin.
Ang dami po ng pakain ay depende kung anong oras ang laban. Kung sa derby hindi iyo gaanong problema kasi may skedyul na maari nating gawing gabay. Kung hakpayt ang laban di natin malalaman ang oras ng laban kaya magkaiba ang pamamaraan sa pagpapatuktok para sa derby at para sa hakpayt.
Ang pakain natin sa araw na ito ay ang pointing feeds na cracked corn, puti ng itlog at pellets. Ang cracked corn ang magbibigay enerhiya dahil mataas ang bahagdan ng carbohydrates at metabolized energy ng mais.
Ang puti ng itlog naman ay upang magbigay ng moisture. Ang pellets ay pampaalis ng body moisture. Ang dami ng puti ng itlog at pellets ay depende sa body moisture ng manok. Kung basa ang katawan ng manok mas maraming pellets ang ibigay. Kung tuyo, mas maraming puti ng itlog.
Pagkatapos mapakain ipasok na sa kulungan ang manok. Takpan natin ng tela upang maging madilim sa loob at makakapagpahinga ang manok. Huwag itong gawin kung hakpayt ang laban. Iuulot pa kasi natin ang manok at baka sa unang paglabas pa lang nito sa kulungan na madilim ay mag-point na ito habang inuulot pa lang.
Ang biglang liwanag galing sa dilim, ang ingay at panibagong kapaligiran sa ulutan ay maaring makagitla ang manok na magiging sanhi ng stress at adrenaline rush. Sa Manwal ng Mana sa Makabagong Pamamaraan sa Pagpili at Pagkundisyon ipinaliwanag natin itong adrenaline rush at ang koneksiyon nito sa pagpatuktok o pointing ng manok.
Ang konsepto ng stress management at adrenaline rush ay siyang pinakapuso ng pamamaraan natin sa pagpatuktok.
Kung derby okey lang na ipahinga ang manok sa madilim na kulungan dahil alam natin ang tugmang oras ng laban. Kung ganito, ilabas bandang tanghali at ilagay sa limber pen upang makapagbawas. Pagmasdang mabuti ang ipot kung basa o tuyo at gumawa tayo ng adjustment kung kinakailangan.
Tandaan lang natin na pag ginagawa natin ito ingatan na hindi magitla ang manok. Mas maige kung sa loob ng cockhouse lang ito gawin upang kontrolado natin ang sitwasyon. Kung sa labas wala tayong magagawa kung ang katabing cockhouse ay magpapalabas din ng kanilang manok at makikita ito ng manok natin. Ito ay maari ring sanhi na magitla o magalit ang manok.
Dapat ang lahat na gagawin natin sa araw ng laban ay dahandahan at banayad. Iwasan ang pabigla-biglang pag-gagalaw. Sa araw ng laban mahalaga ang pakain, moisture control, pahinga., at stress management.
Isa pang pagkaiba sa derby at hakpayt, sa hakpayt huwag masyadong pagaanin at patuyuin ang katawan ng manok. Mainit sa ulutan. Pati ang kamay ng handler na may hawak-hawak ng manok ay may init din.
Pagdating sa paghanda o pagkundisyon, magkatulad lang kung sa derby o sa hakpayt ilalaban. Sa pagpatuktok na may kaunting pagkakaiba.