Tuesday, December 1, 2009
LLamado Tayo: Mahalaga ang kalidad ng manok
Napakahalaga ng kalidad ng manok
Congratulations kina Lito Garcia , Ramon Talavera at kamana Raul Ebeo . Nag score ang entry RT3 star of Looc ng total of 8 points sa bakbakan. Two wins, 1 loss sa elimination; 2 wins 1 loss sa semi final at 4 straight wins sa finals sa Araneta Coliseum noong Nov. 24. Dalawa sa mga stags na nanalo sa finals ay sa RB Sugbo sa Cebu inihanda at mga galing sa linyadang ponkan 828 namin ni kamana Raul. Nabanggit natin ito dito dahil ang mga ponkan natin ay tinagurian naming the poor man’s champion.
Ang mga RB Sugbo ponkans kasi ay sadyang pinalabas para sa mga karaniwang sabungero. Mura ngunit maasahan. Isa ito sa mga adhikain ng RB Sugbo ang makatulong sa masang sabungero. Ito rin ngayon ang adhikain ng Masang Nagmamanok (MANA). Sa nakaraang ilang taon maramirami narin mga ponkans ang napa sa kamay ng mga maliit at karaniwang sabungero na nagnanais na magkaroon ng manok na de kalidad sa abot kayang halaga. Palaban naman ang mga ito kahit sa mga malalaking derbies.
Ang sabong ay isa nang napakalaking industriya. Arawaraw, nababasa nasin sa mga babasahin, naririnig sa mga programa sa radyo at napapanood sa telebisyon ang napakaraming advertisements at commercials hinggil sa mga pakain at gamot para sa manok pangsabong. Kung pakinggan natin ang mga commercials, aakalain natin na ang pagpanalo ay nasa pakain o kaya sa gamot. Ngunit ang totoo mas malaking bagay ang kalidad at abilidad ng manok kaysa alin mang pakain o gamot.
Oo. Napakalaki ng maitutulong ng tamang pagkundisyon, angkop na pakain at bagay na gamot. Ngunit aanhin ang mga ito kung ang manok ay bulok? Napakamahal ng mga high quality gamefowl ngayon. Ang battlecocks ay nasa P8 libo hanggang P15 libo ang isa. Ang mga breeding materials ay aabot ng hanggang P45 thousand to P100 thousand ang trio. Paano ito kakayanin ng mga kapwa nating karaniwang nagmamanok.
Kaya hinangad ng RB Sugbo Gamefowl Technology at ngayon ng MANA na makapamahagi ng sapat na kaalaman sa pagmamanok at ng mga de kalidad na manok na bagay gamitan ng angkop na kaalaman at bigyan ng masustansyang pakain at mga epektibong gamot. Ang RB Sugbo nagpalabas ng mga ponkan, isang lahi o linyada na binuo bilang bagong linyada sa paghalohalo ng sweater ni Doc Ayong Lorenzo, roundhead ni Lance de la Torre at green legged lemon 84 ni Paeng Araneta. Ang ponkan ay maari nang isabak sa malalaking derby ngunit abot kaya ang halaga nito.
Ngayon naman ang MANA ay may programa upang makapamahagi ng mga young breeding materials. Ito ang MANA gamefowl dispersal projects. Pamamagitan ng programang ito ang ating mga kamana ay makakakuha ng de kalidad na baby breeding sets (2-3 mos old)sa napakamurang halaga. Halagang mas mababa pa sa cost of feeds, supplement at farm maintenance. Subsidize po ito ng MANA.
Ang halaga ay lalo pang bababa at maari pang libre sa mga lalahok sa seminars kung sakaling matuloy ang pinagguusapan ng MANA at ng iilan sa mga kinatawan ng Bmeg. Nakahanda na po ang mga materyales na gagamitin natin upang maipalabas ang ating ipamamahagi sa dispersal projects. Inaantay nalang natin ang go signal ng Bmeg. Kasi ang dami ng ating gagamitin na materyales ay depende sa tulong ng Bmeg. Kausap po natin sa proyektong ito ngayon ay si Al Caballero ang kinatawan ng Bmeg sa Eastern at Central Visayas. Nakausap narin po ng MANA ang mga kinatawan ng Bmeg sa Manila at sa Mindanao. Napakalaking tulong po ito kung matuloy. Manatili lang nakatutok sa Larga at sa tilaok.blogspot.com.
Mana sa Bakbakan
Lima sa pitong entries ng mga kamana natin sa Cebu ay pumasok sa semi finals ng bakbakan 10-stags. Isa sa mga nakapasok ay sa Pasay natin isinabak sa semi finals noong Nov 20. Ang entreng ito ay ang RB Sugbo RTE Mana. Isang panalo lang at dalawang talo sa semis. Hindi nakapasok sa finals. Ang dalawang ponkan stags na nanalo sa finals sa entry RT3 Star of Looc na nabanggit natin sa unahan ay sana sa entry na RB Sugbo RTE MANA isasali kung ito’y nakapasok pa sa finals
Sa apat pa na entry ng mga kamana natin na sa Cebu nag se-semis. Iisa lang ang nakapasok sa finals sa Araneta ngayong Dec 3. Si kamana Jason Garces na may 5.5 points.
3 cocks sa Baras
Sa Dec 11 naman ay may benefit 3-cocks sa Baras , Rizal. Ang promoter po nito ay sina kamanang Gilbert and friends. Todo suporta po sa paderbeng ito ang MANA Rizal na pinamumunuan ni kamana Jun Santos. P150,000 ang guaranteed prize at P3,300 lang ang entry fee. P 3,300 din ang minimum bet.Sponsored po ito ng Bmeg Integra at Derby Ace.. Assisted by Boss Abet, Rizal Cyber Cockers at Masang Nagmamanok (MANA) Inc. Ang kikitain po nito ay mapupunta sa mga biktima ng typhoon ondoy. For more details text nyo lang si kamanang Jun Santos 0908-895-9623, o si kamana Gilbert mismo, 0927-289-8313.
Mga katanungan:
Kamana gud pm. May nakapagsabi kasi sa akin na di magandang gamitin brood cock ang wala pang panalo. Kahit ba na maganda at magaling? Totoo ba ito? Thanks po sa inyo. Mabuhay ang MANA.
Mabuhay ang MANA mabuhay ang karaniwang sabungero.!
Bakit naman po hindi pwede? Marami pong broodcocks na hindi pa nanalo. Lalo na yong mga pure at inbred na tinatawag na bred to breed. Hindi po inilalaban ang mga ito. Ipinalabas sila para gawing broodstock.
Tayo sa RB Sugbo ay naglalaban tayo ng iilan sa mga puro at inbred bilang pagsubok kung hindi pa nag break down ang linya. Mas maganda sa linyada ang pwedeng ilaban kahit puro at inbred.
Kung sa bagay may mga puro tayo na hindi inbred. Nagagawa natin ito pamamagitan ng paghiwalay ng isang linyada at ginawang maraming iba’t-ibang pamilya. Ito ang tinatawag natin na battle pures.
Kamana parang maganda ang nabasa kong sistema mong conditioning pyramid. Tanong ko lang ano ba ang pagkakaiba nito sa nakasanayan na 14 at 21 days na keep?)
Nasa basic principle ang malaking kaibahan kamana.
Sa fixed – day keep tulad ng 14 at 21-day keep ay ang gusto nating mangyari ang maging kundisyon ng manok sa nakatakdang araw ng laban. Maaring may pagkakataon na hindi ito ang mangyayari. May manok na lampas na sa peak pagdating ng araw na iyon at maari ring may manok na wala pa sa peak.
Kung sa bagay dapat naman may mga reserbang manok tayo bilang paghahanda sa ganitong pangyayari.
Sa sistema natin hindi ang nakatakdang araw ang masusunod kung di and aktwal na kundisyon ng manok. Hindi natin sinisikap na maging kundisyon ang manok sa nakatakdang araw. Bagkus, pinipili natin ang manok na sa palagay natin ay maganda ang kundisyon pagdating sa takdang araw.
Ang sa atin ay parang hagdanan. Ang lahat ng manok ay dadaan sa unang baitang, ang “foundation period” kung kailan inaayos natin ang mga kakulangan ng manok sa pisikal, mental at nutrisyunal na aspeto. Inaayos muna natin ang pangagatawan, ang kundiyon ng mga kalamnan at ang focus ng manok sa pakikipaglaban. Sa puntong ito pinaiiral natin ang tibay at lakas ng manok.
Walang takdang bilang ng araw sa pagpananatili ng manok sa stage na ito. Kung sa ibang pamamaraan, kalendaryo ang nagdidekta, sa atin, ang aktwal na kundisyon ng manok ang makapagsasabi kung ang manok ay kailangan pang manatili sa baitang na ito o aakyat na sa susunod.
Ang pangalawang baitang ay ang “battle-ready stage.” Dito ang pakain at pagsasanay ay nakatuon sa pagpairal ng bilis, liksi, at ang kakayahang makahugot ng quick energy na kakailanganin sa laban. Dito ang mga manok ay para nang boy scout na laging handa. Kung may nalalapit na laban, pagpipilian natin ang mga boy scout kung alinalin ang mga pinakahanda. Ang mga ito ang iakyat sa susunod na baitang, ang “peaking stage.”
Ang peaking phase ay ang huling isang linggo bago ang laban. Kasunod nito ay ang pang apat na stage, ang”pagpatuktok” o “pointing.” Ito ay sa araw ng laban.
Sa sistemang ito ang kundisyon ng manok ang masusunod hindi ang bilang ng araw. Ang sistema nating ito ang tinatawag natin na “conditioning pyramid.”
Isa ito sa mga kabanata ng “Manwal sa Makabagong Pamamaraan sa Pagpili at Pagkundisyon” na Inihanda ng RB Sugbo para sa MANA.
Gameness, cutting, fighting ability. Sa mga katangian sa pagkipaglaban ano ang pinakamahalaga kamana? More power.
Killing is the name of the game. Kaya ang pinakamahalagang katangian ng manok sa pakikipaglaban ay ang kakayahan nitong pumatay.
Kagalingan sa pagpaa. Cutting ability sa Inglis.
Ang kagalingan sa pagpaa ay matitiyak lang sa panahon ng tunay na laban sa sabungan. Kahit ang mga dalubhasa ay hindi makapagsalita ng tapos kung sa bitaw lang ibatay ang pagpahalaga sa kagalingan sa kating.
Ganoon pa man, may mga sapat na batayan tulad ng sumusunod:
1. Malayo ang abot ng palo. Todo stretch and paa at hita kung pumalo at malayo ang katawan. Feet out, head back.
2. Mabilis at marami ang palo.
3. May diin at malakas magpatama.
Ngunit hanggang mailaban natin ang manok na may tari, di natin matitiyak kung
ito nga ay talagang magaling sa kating.
Saan ba nakukuha ang kagalingang pumatay?
Una ang katangiang ito ay nasa genes. Nasa lahi o bloodline. May mga linyada na likas na magagaling mag-cut. Kaya makakatulong kung alamin natin ang rekord ng linyada ng mga manok na pinagpipilian natin. Dahil ang kagalingan sa pagpaa ay nasa linyada.
Ang kating ay naaapektahan din ng pisikal at mental na kundisyon ng manok. Ang manok na sobra ang taba o bigat ng timbang, ganoon man ang sobrang payat ,ay di maaasahan na magaling pumatay. Ganoon din kung ang manok ay may ibang nasa isip at hindi ang pagpatay sa kalaban.
Dapat ay tama ang pangangatawan at buo ang konsentrasyon ng manok sa laban.
Ang katangiang ito at ang iba pang kanaisnais sa isang manok panlaban, ay tinalakay natin ng husto sa “Manwal sa Makabagong Pamamaraan sa Pagpili at Pagkundisyon.”
(Magabang sa mga karagdagang kaalaman dito sa Larga o magpunta sa tilaok.blogspot.com at sa website ng RB Sugbo Gamefowl Technology: rbsugbo.gamefarmdirectory.com)
Welcome. To read the articles, please click post link or month, then subsequent post link.
Ponkan broodcock
Another ponkan
Mana: Dami at Pagkakaisa
Walang duda napakalaki na ng pinagunlad ng sabong mula sa paging libangan tuwing araw ng Linggo, ito ngayon ay isa nang napakatanyag na isport, malaking industriya at kaakitakit na mapagkakitaan.
Napakarami nang nagpapalahi ng manok panabong. Nagsilabasan ang mga babasahin at programa sa telebisyon ukol sa sabong.
Sa bawat nagpapalahi, ilan ang tagapagalaga ng kanyang manok? Sa bawat may-ari ng sabungan, ilan ang naghahanapbuhay sa sabungan niya? Sa bawat kasali sa derby, ilan ang nagbabayad sa pinto upang manood? Sa bawat malaking sabungero, ilan ang mayroon lang iilang pirasong tinale sa kanilang bakuran? Dapat lang, at napapanahon na siguro, na ang masang sabungero ay mapagtuonan ng pansin, mabigyan ng kinatawan, at, marinig ang boses sa isport at industriya ng sabong.
Ito ang nais abutin ng MANA (Masang Nagmamanok), isang pambansang kilusan at samahan ng mga masang sabungero. Ang mga layunin ng MANA ay ang sumusunod:
1. Ang pangalagaan ang kapakanan ng mga maliit na sabungero, partikular na, ang mga naghahanapbuhay sa sabungan. Inaasam na sa darating na panahon, ang mga handlers, mananari, casador, kristos, sentensiyador, farm hands ay magkakaroon ng mga benepisyo tulad ng insurance, pension at iba pa.
2. Ang mapatingkad ang kaalaman ng ordinaryong sabungero sa pagmamanok. At, sila’y mabigyan ng pagkakataon na magkaroon ng angkop na materyales sa pagpapalahi at paglalaban.
3. Ang ipaglaban ang sabong sa gitna ng banta na itoy gawing labag sa batas tulad ng nangyari kamakailan lang sa Estados Unidos, at ipreserba ito bilang isport, hanapbuhay, industriya at bahagi ng ating kultura at tunay na mana.
4. Ang magtulungan at makipagtulungan sa iba pang haligi ng industriya sa ikabubuti ng sabong at ikauunlad ng lahat na mga sabungero.
Inaasahan na matupad ng MANA ang nasabing mga layunin pamamagitan ng pagpakita ng dami at pagkakaisa.
Ang pagkatatag ng MANA ay bunsod ng mungkahi ni kamanang Boying
Ang Llamado Tayo ay tumatalakay sa ibatibang aspeto sa pagmamanok at binabasa ng napakarami arawaraw, kaya di nagtagal marami ang sumapi sa MANA.
Kasunod nito, ang MANA ay nakapagpaseminar sa ibatibang lugar at rehiyon ng Pilipinas, sa tulong ng mga kumpaniya tulad ng Excellence Poultry & Livestock Specialist, Bmeg-Derby Ace, Sagupaan, Secret Weapon, at Thunderbird.