Monday, June 1, 2009

Pagpapalahi: Wastong Pagumpisa

Anuman ang ating hangarin at layunin sa ating pagpapalahi, dapat ay may mailaan tayong sapat na salapi, panahon at sikap. Bago tayo mag-umpisang magpalahi dapat ay tayahin natin ang ating mga kakayahan at limitasyon. Pagkatapos ating alamin ang mga gagawing hakbang. Mahirap kasi kung nakagasta na tayo ng malaking halaga at nakagulgol ng mahaba-habang panahon at saka lang natin malaman na mali pala ang ating ginawa.
Ang mga bagay na dapat tiyakin ay ang mga sumusunod:
Na tayo ay may sapat na kabuohang kaalaman sa pagmamanok, hindi lang sa pagpapalahi;
Na may mailalaan tayong panahon sipag at salapi na batay sa ating hangarin sa pagpapalahi;
Na makahanap tayo ng kahit maliit ngunit angkop na lugar, at kaya natin itong paunlarin;
Na may makukuhang katulong na mapagkakatiwalaan;
Na makakahanap tayo ng makukunan ng magagaling na pangasta.

In na in ngayon ang pagpapalahi ng sasabunging manok. Napakarami na talaga ang nagpapalahi ngayon. May mga nagpapalahi upang magkapera. Sa tingin nila ang pagpapalahi ay negosyo o trabaho lang. May nagpapalahi naman upang malibang. Sa kanila ang pagpapalahi ay libangan. Ang iba naman ay seryosong nagpapalahi at talagang dibdiban ang kanilang pagnanais makabuo ng sariling magaling na linyada. Anuman ang hangarin, iisa lang ang dapat gawin. Ang magumpisa ng tama. Walang tiyak sa pagpapalahi ngunit ayon sa mga esperto makakatulong ng malaki kung ikaw ay mag uumpisa ng tama, kumuha ka ng mga materyales na subok. Subok na magagaling at subok na nagpapanalo.
Sa aklat na “Lihim sa Pagbuo ng Sariling Linyada” ni Dr. Andrew T. Bunan, PhD, ay mababasa ninyo ang payo ng tanyag na breeder ng lemon guapo at Aguirre grey na si Mayor Juancho Aquirre ng La Carlota, Negros Occ.
Ito ang sabi niya:
“Mag-umpisa ng tama at kumuha ng mga lahi sa mga taong matagal na sa industriya at may magandang record sa loob o labas ng sabungan. Matagal bumuo ng isang linyada subalit ang paghihintay ay masusuklian ng tuwa kapag nakita mong tama ang iyong ginagawa. Sabi nga, pareho ang mga pagkain sa mahina at magaling na manok, subalit mahirap kumuha ng tunay na linyada kung tayo ay hindi mamumuhunan at kukuha ng mga material sa mga breeder na ating mapagkakatiwalaan.Maaring mahal sa una, pero pag sinuma mo ang tagal ng panahon sa pagbuo ng linyada dito mo makikita, malaki pala ang natipid mo at mas maikli ang panahong gugulgulin mo para makapagpalabas ng mahuhusay na mgamanok-panabong”. (Lihim sa Pagbuo ng Sariling Linyada; Bunan; Llamado Publications; p.83)