Dito na tayo sa bagong site ng MANA. Please click image below now.

Dito na tayo sa bagong site ng MANA. Please click image below now.
Ganap na sabong site. Forums, kaalaman, balita, at iba pa para sa inyong kasiyahan at kapakanan.

Wednesday, July 1, 2009

Llamado Tayo sa Larga, June, 2009 issues


Larga 14 june 27
Llamado Tayo
Rey Bajenting

Pagpili
Belated Happy Birthday kay Victor Sierra, ang president po ng samahan namin ang Central Visayas Breeders’ Association (CVBA) at congratulations sa matagumpay niyang birthday derby noong June 18 at 19. Medyo malas lang po ang mga entry ng Masang Nagmamanok (MANA). Ang apat na entry ng MANA, nag score lahat ng parehong 1 win 1 loss. Kaya ang 4 po ay eliminated from the finals. Anyway, talagang ganyan ang sabong. May panalo may talo.
Kaya ang palagi nating paalaala sa kapwa sabungero na nagsikap tayo na manalo ngunit dapat lagi tayong handa sa pagtanggap ng pagkatalo. Wala sigurong perpekto na sabungero.
Mahirap din maghanap ng perpekto na manok kung meron man. Kaya malimit ay ginagamit nalang natin ang wastong pagpasya kung ang isang manok ay ilalaban o gawin nating tatyaw.
Halimbawa, ang isang tatyaw ay hindi nga ideal ang station pero sobra naman ang lakas at galing. Okey na rin tayo dito. Ang gagawin natin ay corrective mating. Hanap tayo ng inahin na matangkadtangkad. Basta tandaan lang na dapat “acceptable weakness” lang. Hindi sobra ang kapintasan. Huwag magpalahi ng sobra nga ang galing pero sobra naman ang pangit. O sobra nga ang lakas, pero sobra naman ang pagkaduwag.
Sa pagpili ng panlaban ganun din. Maari na ang isang manok ay hindi sobra ang lakas, pero ito naman ay mautak at mabilis. Tinataya narin natin na mananalo ito dahil sa mga katangian na taglay nito kahit pa may kakulangan. Basta hindi lang sobra ang kakulangan.
Marami sa mga nakabasa sa Manwal natin sa pagpili at pagkundisyon ang humihiling satin na ipaliwang pa natin ng husto ang mga konsepto sa pagpili na isinulat natin sa manwal.
At, upang kahit yong di pa nakabasa sa Manwal ng MANA sa Makabagong Pamamaraan ng Pagpili at Pagkundisyon ay makasunod sa ating talakayan, ilalathala muna natin ang kabuuhan ng yugto sa pagpili na linalaman ng manwal.
Ito po:
Pagpili: Susi sa Tagumpay
Ano ang Susi sa Pagpili?
Ang susi sa matagumpay na pagsasabong ay ang wastong pagpili. Kaya sa manwal na ito ay binbigyan natin ng kahalagahan ang aspeto ng pagpili. Ang magaling na nagmamanok ay magaling sa pagpili. Ano mang pamamaraan sa pagkundisyon, pagsanay at pagpakain ay walang magagawa upang mapagaling ang manok na kulang sa likas na kagalingan.
Ang magaling na nagmamanok ay bihasa sa pagpili ng magaling na manok. At, alam niya kung paano pananatiliing magaling ang magaling na manok pamamagitan ng wastong pagalaga at pagkundisyon.
Ngunit iba-iba ang pamantayan ng mga sabungero sa pagpili. At ang pamamaraan at batayan sa pagpili ay nag iiba rin kasabay sa paglipas ng panahon at pagpalit ng konsepto at pag-iba ng dimensiyon ng sabong na bunsod ng paglabasan ng mga bagong lahi ng manok at sistema sa pagmamanok.
Dahil nga ang pagpili ay ang susi sa tagumpay sa pagsasabong, sa sumusunod na mga talataan ng kabanatang ito, ay subukan nating tuklasin ang susi sa pagpili.
Unahin mga konkretong katangian
Kung noong araw ang mas binibigyan ng kahalagahan sa pagpili ng manok panlaban ay ang kagalingan sa bitaw, ngayon, kung kailan napakahigpit na ng kumpetisyon, ang payo natin ay ang unahin ang mga konkretong katangian tulad ng uri o kalidad, hugis ng katawan at balanse, tamang tangkad, at kisig.
Alamin kung ang mga manok na pagpipilian ay nanggaling sa mahusay at nagpapanalong linyada. Alamin kung sa pagpalaki ang mga ito’y naalagaan ng husto, at hindi malubhang nagkasakit. May mga palantadaan na puwedeng gawing batayan, ngunit ang salita ng nagpalahi, kung siya’y magsasabi ng totoo, ang siyang pinakamatibay na patunay.
Dapat ay napagala ang mga ito mula edad dalawang buwan hanggang sa maglabanlaban, at nang mahuli ay sa angkop na kapaligiran naka-cord. Hindi lang na basta nakakulong. Alamin din kung maganda ang pagpakain at pagbigay ng gamot. Pagkatapos suriin ang mga pisikal na katangian at kisig ng anyo.
Tugma ang tangkad sa laki ng katawan. Malapad ang balikat at puno ang dibdib. Maliit ang paa, ang binti ay medyo mas maikli kaysa hita.
Tugma ang haba ng leeg sa haba ng katawan at tangkad ng manok. Maliit ang ulo at mapula. Ang mga mata ay alerto, medyo malaki, dilat at usli, at mas maige kung pula,
Mahalaga rin na balanse at maganda ang lakad. Mahaba ang hakbang. Ang kalingkingan ay mistulang di nakaapak sa lupa. Maporma, kung baga, at may yabang.
Ang mga manok lang na pumasa sa mga kanaisnais na konkretong katangian ang dapat ibitaw upang tingnan kung makapasa ba ang mga ito sa kagalingan sa pakikipaglaban.
Ang mga konkretong katangian ay ang bloodline o linyada; pagpapalaki; at ganda ng pisikal na anyo.
Unahin ang mga konkretong katangian dahil hindi na ma-iiba ang mga ito hanggang sa araw ng laban, samantalang ang kagalingan sa pakikipaglaban ay paibaiba, depende sa galing ng kalaban o sa kundisyon ng ating manok.
Huwag na huwag pipili ng manok na may kakulangan sa mga konkretong katangian dahil lang nakita natin itong nagpamalas ng kagalingan sa pakikipaglaban sa isa o dalawang pagbitaw. May mga manok na nanghihiram ng gilas.
Ang kagalingan sa bitaw ay mahalaga rin. Ngunit ito ay hindi konkretong aspeto dahil maaring mag iba ang istilo at kagalingan sa pakikipaglaban depende sa istilo at kagalingan ng kalaban o sa kundisyon ng ating manok.
Magkaganoon paman, dapat mahigpit din ang ating pamantayan sa pagpili ng manok pansabong batay sa kagalingan sa bitaw. May mga epektibong pamantayan na makakatulong sa pagpili batay sa kagalingan sa bitaw. Ang totoo, napakarami at nakakalito kung sundin natin ang batayan ng iba na pati istilo ng pakikipaglaban ay sinasama nila. Istilo tulad ng paging angat, paging shuffler o paging one-two puncher. Sa atin hindi natin Ibinabatay sa istilo ang pagpili kung di sa mga katangian at kakayahan lang. May ilang kakayahan pa na ipinagsama natin at naging isang pinagbuong batayan. Kaya sa ating pagpili batay sa kagalingan sa pakikipaglaban tatlo lang ang ating pamantayan. 1) Cutting ability; 2) Tapang, tibay at lakas; 3) Utak, liksi at bilis.
Cutting ability
Killing is the name of the game. Kaya ang pinakamahalagang katangian ng manok sa pakikipaglaban ay ang kakayahan nitong pumatay.
Kagalingan sa pagpaa. Cutting ability sa Inglis.
Ang kagalingan sa pagpaa ay matitiyak lang sa panahon ng tunay na laban sa sabungan. Kahit ang mga dalubhasa ay hindi makapagsalita ng tapos kung sa bitaw lang ibatay ang pagpahalaga sa kagalingan sa kating.
Ang totoo, ilang taon na ako sa pagmamanok, ngunit hindi pa katagalan ng ako’y maliwanagan ng husto sa pagpili ng manok na magaling pumaa batay lang sa bitaw. Isang, kaibigan, si kamanang Ben Dimaano ng Zamboanga, na isa ring mahusay na breeder, ang nakapagturo sa atin.
Ang mga pamantayan ni kamanang Ben ay ang mga sumusunod:
1. Malayo ang abot ng palo. Todo stretch and paa at hita kung pumalo at malayo ang katawan. Feet out, head back. Ito ay dati na nating alam, at alam ito ng karamihan.
2. Mabilis at marami ang palo. Kung ang iba ay mas gusto ang single stroker, para kay kamanang Ben lamang ang maraming palo.
3. May diin at malakas magpatama, at pinakamahalaga may target.
4. Hindi masyadong tinitiklop ng manok ang tuhod at paa kung pumalo. Ito ang bagong konsepto na kay kamanang Ben natin unang narinig.

Oo, makakatulong ang mga pamantayang ito, ngunit hanggang mailaban natin ang manok na may tari, di natin matitiyak kung ito nga ay talagang magaling sa kating.
Saan ba nakukuha ang kakayahang pumatay?
Una ang katangiang ito ay nasa genes. Nasa lahi o bloodline. May mga linyada na likas na magagaling mag-cut. Kaya makakatulong kung alamin natin ang rekord ng linyada ng mga manok na pinagpipilian natin. Dahil ang kagalingan sa pagpaa ay nasa linyada.
Subalit ang kating ay naaapektahan din ng pisikal at mental na kundisyon ng manok. Ang manok na labis ang taba o bigat ng timbang, ganoon man ang sobrang payat ay di maaasahan na magaling pumatay. Ganoon din kung ang manok ay may ibang nasa isip at hindi ang pagpatay sa kalaban o ito’y kulang sa konsentrasyon sa pakikipaglaban.
Dapat ay tama ang pangangatawan at buo ang konsentrasyon ng manok sa laban.

Tapang, tibay at lakas
Tapang, tibay at lakas. Ang mga itoy kinakailangan ng manok upang manatili sa laban hanggang sa kahulihulihang sandali. Tapang ay kailangan upang magpatuloy ang manok sa pakipaglaban kahit malubha nang sugatan. Tibay ay upang makatayo, makalapit pa sa kalaban at makapalo kahit malubha na ang tama. At, lakas para maari pang makapalo ng may sapat na lakas na makapatay sa kalaban.
Kailangan magkasama ang tatlong kakayahang ito. Aanhin ang tibay at lakas kung aayaw na ang manok. Aanhin naman ang tapang at lakas kung walang tibay at lugmok o lupaypay kaagad ang manok sa unang tama pa lang. Bale wala naman ang tapang at tibay kung walang sapat na lakas ang palo ng manok upang makapatay o makasugat man lang ng malubha sa kalaban.
Kailangan magkasama ang tatlong ito, upang ang manok ay may kakayahang manatili sa laban hanggang sa kahulihulihang sandali, at maaring pang makabalik kahit malubha na ang tama.

Utak, liksi at bilis
Kung ang manok ay matalino, malalaman nito ang dapat gawing sa bawat sitwasyon. Alam nito kung bagay bang pumalo, o mag-abang muna. Dapat bang umangat o umilag. O kaya’y umatras o umabante.
Ang liksi ang magbibigay paraan upang magawa ng manok ang nararapat at ninanais nitong gawin. Iutos man ng utak na dapat umangat o pumalo, hindi ito magagawa ng manok kung itoy walang sapat na liksi. Halimbawa dahil matalino ang manok ay alam nito na sa partikular na sitwasyon kailangan niyang umangat. Ngunit kung kulang ito sa liksi upang gawin ang pag angat, hindi ito makakaangat.
Bilis ang kinakailangan upang magawa ng manok ang dapat gawin bago ito maunahan ng kalaban. Gustuhin man ng utak ang umangat, may sapat naman sanang liksi ang manok na gawin ito, ngunit kung kulang sa bilis maaring patamaan na ito ng kalaban bago makaangat.
Sa susunod na linggo ay tatalakayin pa natin ang mga konseptong sa pagpili na batay sa katangian at hindi sa istilo. Ang manwal na ito ay nagkakahalaga ng P300 kasama na ang delivery sa address kung saan nyo gustong ipadeliver, ngunit ang mga linalaman nito ay mababasa nyo rin ng libre dito sa Larga.
Sa mga kasapi ng Masang Nagmamanok (MANA), bawat linggo’y abangan nyo dito sa Larga ang mga kaganapan sa loob ng MANA. Ang kaganapan naman sa buong buwan ay matutunghayan nyo sa tilaok.blogspot.com.
Maraming salamat sa maraming bagong nagpamembro ng MANA pamamagitan ng pag text at pag-email. Maraming salamat sa inyong pakikipagisa sa ating mga layunin at adhikain.
(Para sa karagdagang impormasyon at kaalaman magbasa sa blog natin tilaok.blogspot.com. Para sa inyong mga katanungan tungkol sa pagmamanok o kaya’y sa MANA magi-text: 0927-995-4876 o 0908-980-8154 o mag-email: mba1220bemin@yahoo.com)










Larga 13 june 20
Llamado Tayo
Rey Bajenting

Huwag ibatay ang pagili sa pangalan ng lahi

Gud evening Mr. Rey Bajenting… Nabasa ko po yong article nyo sa dyaryong Larga… gusto ko po sanang malaman kung i-brid ko yong gilmore hatch ko sa yellow legged hatch broodhen koh, pwede bang ilaban yong magiging anak nila? Ano po ba kaya ang magiging fighting style nila? At pwede bang maging broodcock ang anak nila?
(07:28pm 6/11)
Oo kamana, pwede mong ilaban. Yon kung magaling. Wag maglaban ng mahina. Panlaban talaga yang magiging anak kamana. Dahil kung hindi mag-kamaganak ang gilmore mo at ang yellow legged hatch mo, battle cross ang anak nila.
Sa tanong mo na kung pwedeng gawing broodcock, pwede rin. Basta magaling. Wag mag-broodcock ng mahina. Depende kasi sa pakay ng pagpalahi mo kamana. Kung ang layunin mo ay ang magpa-puro kailangan inbreding ang gawin mo. Kung ang nais mo naman ay magpalabas ng 3-way, 4-way o multiple crosses, ang battle cross na manok ay pwedeng gawing tatyaw.
Ano ang style ng magiging anak? Di ko yan masagot kamana. Una di ko nakita ano ang style ng tatyaw at ng linyada na kinabibilangan ng inahin. Kaya di ko mataya kung ano ang style ng anak. Kahit pa nga makita natin ang mga katangian ng magulang di parin natin matiyak na ang mga katangiang ito ang maibato sa anak. At, kung maibato man di parin tiyak na ito ay lalabas o mag-manifest dahil may recessive at dominant genes.
Hindi natin maaring ibatay sa pangalan ng lahi kamana. Huwag tayong maniwala sa mga nagsasabi na kapag ang isang bloodline ay i-cross sa ganitong bloodline ganito ang istilo ng mga anak. Halimbawa, ang hatch. Hindi naman lahat ng hatch magkatulad ang istilo. Ganun din ang sweater, ang roundhead, ang kelso at iba pa. Paano natin masasabi na kapag ang hatch ay ipares sa roundhead ganito ang lalabas na istilo, na hindi man lahat ng hatch ay magkatulad ng istilo at ganun din ang roundhead?
Hindi natin malalahat, kamana. Hindi porke hatch ang isang manok ito nga ay matapang at matibay. May mga hatch din na duwag. Hindi rin lahat ng roundhead ay mautak. May roundhead din na bobo. Ito ay dahil walang birth certificate o pedigree papers ang manok. Kahit sinong nagpapalahi ay maaring tawaging hatch, sweater, roundhead, claret o ano paman ang manok niya.
Kahit ang isang linyada ay maaring magiiba ang istilo sa pakipaglaban kung mapunta sa kamay ng iba. Depende na kasi yon sa hilig ng bagong may-ari kung alin sa mga katangian na taglay ng linyadang iyon ang kanyang ipalabas, paigtingin at i-maintain at alin ang aalisin. Kaya hindi talaga natin malalahat at hindi natin maaring ibatay sa pangalan lang ng lahi ang pagtaya kung ano ang istilo ng magiging anak.
Isa ito sa parati nating pinaalala sa ating mga mambabasa. Huwag ibatay ang pagpili sa pangalan lang ng lahi. Kahit anong pangalan ng lahi ay may magaling at may bulok. May magaling na sweater, may mahina na sweater. May magaling na lemon, may lemon din na bulok. Ganun din ang lahat ng pangalan ng linyada, may magagaling, may mahihina.
Ang gawin natin ay ibatay ang pagpili sa mga kanaisnais na katangian. Piliin natin ang manok na sa ating palagay ay magaling kahit ano paman ang pangalan ng lahi nito. Kagalingan ang gawing pamantayan, hindi pangalan ng lahi.

Gud am po. Ang stags pa ba edad 3-4 months pwede na turukan ng b.complex vitamins weekly? Thanks po. (10:22 am 6/16)
Pwede na. Pero mas maige kung yong bitamina na ihalo lang sa tubig. Lalo na’t marami at nakagala ang iyong mga baby stags. Mahirap po hulihin at turukan isa-isa kung ang mga ito ay nakagala pa. At saka, ang advantage ng injection ay ang madaliang bisa o pag epekto nito kung ihambing sa subo o halo sa tubig. Sa mga 3-4 months old di naman kailangan ang madaliang epekto ng bitamina. Di pa naman ang mga ito ilalaban kaya di tayo nagmamadali sa epekto. Kung gamot laban sa sakit siguro na kailangan ng madaliang epekto, pwedeng turok ang gamitin natin.
Sa mga panlaban gumagamit tayo ng injectables lalo na kung malapit na ang laban. Halimbawa dalawa o isang araw nalang bago ang laban, kalimitan ay nagtuturok tayo upang makatiyak na sa araw ng laban ay may bisa na ang gamot na binigay natin.

Gud pm po ang mga tatyaw ko po napurga, paligo, ng gamot kontra hanep at kuto,turok vit b complex, stag deliver patuka, pero payat parin. (mickelle 2:03pm 6/15)
Dagdagan nyo kunti ang pakain kamana. O baka may stress factors tulad ng sobrang init sa lugar nyo o kaya sobra ang ingay. Subukan nyo ring i-bacterial flushing at baka may karamdaman.
Minsan naman ay nasa manok yan. May mga manok na sadyang ayaw lumapad ang katawan. Maaring nasa linyada talaga o bloodline. Maari ring mahina ang pundasyon sa pagpapalaki. Ang body conformation kasi ay nasa genes o nasa linyada. May linyada na sadyang maghaganda ang hugis ng katawan mayroon namang malilipis ang pangangatawan.
Ngunit maari, at maraming pagkakataon, na sa isang linyada na dapat sana ay malalapad ang katawan, ay may iilang individual na hindi lalapad ang katawan dahil ang mga ito ay hindi napalaki sa angkop na kapaligiran.
Halimbawa, iba ang pagunlad ng katawan ng mga stags na pinalaki sa range kaysa stags na laking kulungan. Ito ay dahil sa range ay sapat ang ehersisyo ng manok kaya uunlad talaga ang kalamnan. Habang ng mga laki sa kulungan ay mga kulang sa lapad ng katawan. Pagmalalaki na ang mga ito mahirap nang lunasan ang kalagayan kahit na anong pagpakain pa ang ating gawin.

Kamana ask ko lang ano po ang dahilan na nag-off ang manok at paano ito maiwasan? Tnx. (1:12:11pm, June 14)
Maraming maaring dahilan ng pag-off ng manok kamana. Una kung talagang wala sa kundisyon ang pangangatawan ng manok, syempre off ito. Ang pagiging off ay maari ring bunsod ng stress factors, tulad ng paninibago, sobrang init ng panahon, pagod sa byahe o simpleng pagkabalisa.
Sa sabungan, sa oras ng laban, ang pag-off ay maaring dahil nagkamali tayo sa ating pagpatuktok o pag-pointing. Halimbawa, ginugutom natin ang manok para ito ay mag-point. Ngunit kung sobra naman ang pagkagutom, syempre manghihina ito at matatawag na off. Maari ring napasobra ang ating pagbawas ng moisture sa katawan ng manok. Ang manok na sobrang basa ang katawan ay hindi mag-cut ng maige. Ganun din ang manok na sobrang dried-up. Hindi rin ito mag-cut ng maige kaya off din ito.
Ang malimit na pangyayari sa sabungan ay ang pagranas ng manok sa tinatawag na adrenaline rush na hindi napapanahon. Matapos kasi ang adrenalin rush, ang kasunod ay pagkahapo. Kung hapo ang manok syempre off na ito. Malaki ang maitutulong ng adrenaline rush, kung ito ay mararanasan ng manok sa panahon mismo ng laban sa gradas. Ang adrenalin ay hormone na bahagi ng defense mechanism ng katawan. Sa panahon ng bugso ng adrenalin makakaranas ang katawan ng kakaibang kakayahan. Ito ay sadya upang makaiwas ang katawan sa panganib.
Tayo, kung may sunog, mabubuhat natin ang mabibigat na bagay. Kung hinahabol tayo ng itak, ang bilis natin makatakbo. Ito ay dahil sa bugso ng adrenalin. Ngunit pagkatapos ng pagbugsong ito, makagamit man ang katawan ng maraming enerhiya o hindi, pagkahapo ang papalit. Ganun din ang manok. Kaya, sa sistema natin, ang ating pagpatuktok ay nakasalalay sa stress management at adrenaline rush. Sinisikap natin na maitaon ang adrenalin rush sa panahon ng laban sa gradas.
Sa Manwal ng MANA sa Makabagong Pamamaraan ng Pagpili at Pagkundisyon ay sinulat natin doon:
“Ang pagpatuktok ay ang salitang inampon ng RB Sugbo Gamefowl Technology upang isalin sa Pilipino ang salitang Inglis na pointing. Ang ibig kasing sabihin ng mga Amerikano sa paggamit ng salitang pointing kung ang manok ang pagusapan ay “peaking.” Ang pagdala sa manok sa peak ng kakayahan. Ito ang hangad natin sa pagpatuktok, ang marating ng manok ang tugatog o tuktok ng kakayahang pisikal at mental sa mismo oras ng laban. Ang pagpatuktok, ay isa sa mga aspeto ng pagkundisyon na pinagaralan natin ng husto. Ito ang huling yugto, kung magkamali tayo dito, maaring maging pinal na ito. Maaring wala nang panahon upang ituwid ano man ang pagkakamaling iyon.
Ayon sa nakasanayang katuturan o depinesyon, ang pagpatuktok ay ang pagpapahinga, pagkontrola ng tubig sa katawan ng manok at timbang, at carboloading. Sa atin, sa RB Sugbo Gamefowl Technology ang ating makabagong palagay ay na ang pagpatuktok ay simpleng stress management lang.
Sa ating conditioning pyramid, ang pagpatuktok ay sa araw ng laban lang. Ngunit ang proseso ng stress management at energy priming any nagsimula ilang araw bago ang araw ng laban, na sakop sa tinatawag natin na peaking period.
Ang makabagong konseptong ito ng RB Sugbo ay nakasalalay sa prinsipyo na ang stress ay mitsa ng pag bugso ng adrenaline o ang tinatawag na adrenaline rush. Ang adrenaline ay isang hormone sa katawan. Ang pagbugso nito ay bahagi ng natural defense mechanism ng katawan sa gitna ng panganib.
Sa panahon na gumagana ang adrenaline, ang tao o hayop ay mas matapang, malakas at mabilis kaysa pangkaraniwan. Tayo sa panahon na may sunog, halimbawa, ay mabubuhat natin ang mabigat na bagay. Kapag hinahabol tayo ng itak, ang tulin natin tumakbo. Ang mga sundalo pag nakarinig ng putok ay makararama ng nakaiibang katapangan.
Paglipas naman ng adrenaline rush, ang pagkahapo ang papalit. Ito ang sanhi ng pagiging “off” ng manok. Kaya ang layunin sa pag pamamahala natin sa stress, ay hindi ang pagiwas nito, dahil sa sabungan, sa dami ng tao, ingay at nakakaaibang kapaligiran, hindi maiiwasan na makakaranas ng stress ang manok. Ang gusto natin ay ang itaon ang stress at pagbugso ng adrenaline sa panahon ng paglalaban.
Hindi natin maiiwasan ang stress. Gamitin nalang natin.”
Mababasa nyo po ang kabuuan nito sa Manwal ng MANA sa Makabagong Pamamaraan ng Pagpili at Pagkundisyon. Pwede po kayong magorder nito. Pero makukuha nyo rin ito ng libre sa iilang mga paseminar at minsan sa mga pasabong ng MANA.

Kaganapan sa MANA
Siguro sa paglabas ng pitak na ito, tapos na ang dalawang pasabong ng Masang Nagmamanok (MANA) sa buwang ito. Ang ika-6 na pasabong ng MANA Pasay-Taguig chapter sa Pasay Cockpit ay June 17. Ang unang pasabong naman sa Cavite ng MANA Cavite chapter ay June 20 sa Cavite Coliseum. Congratulations sa mga nagwagi.
Sa June 25 ay may pagtitipon na gaganapin sa Cebu upang itatag ang MANA Fowl Ranchers Cooperative. Ang layunin nito ay ang mag-produce ng pastured chicken na gamefowl ang gagamitin, pamamagitan ng bagong teknolohiya na nadevelop ng RB Sugbo Gamefowl Technology. Inaasahan na aampunin ito ng iilang LGU’s para sa kanilang livelihood programs. Dahil ang produkto ng teknolohiyang ito ay all-purpose chicken, for meat, for egg production and for fighting.
Dadalo ang mga kinatawan ng ating mga chapters sa Misamis Occidental, Surigao del Sur, Bukidnon, Masbate, Bohol at Eastern Samar. Dadalo rin si kamanang Dennis Aguilar, konsehal ng Las Pinas upang pagaralan ang posibilidad na magawa din natin ito sa Luzon. At, kung sakali sa buong Pilipinas. Sa June 28 sana ang orihinal na petsa nito pero ginawa nating June 25 dahil sa kahilingan ni kamanang Dennis.
Mga kamana, sundan nyo lang dito sa pahayagang Larga ang mga kaganapan sa loob ng MANA. Mag monitor din tayo sa tilaok.blogspot.com ang blog ng MANA sa internet. Kung nais nyo pong mapadalhan ng libreng babasahin tulad ng Manwal ng MANA sa Makabagong Pamamaraan ng Pagpili at Pagkundisyon, Manwal ng MANA sa Praktikal na Pagpapalahi, Tilaok Newsletter, PowerPointing, Bio-organic Gamefowl, at iba pa, i-email lang sa mba1220bemin@yahoo.com ang inyong pangalan, tirahan, MANA number at email ad at i-email namin sa inyo ang gusto nyong babasahin. Libre po ito. Yong hindi pa membro at wala pang MANA number, madali lang magpamember. I-text sa 0927-995-4876 o 0908-980-8154 ang inyong pangalan, tirahan, at email ad kung mayroon. Libre din ang magpamember.
Ginagawa po natin ito dahil kabilang sa layunin ng MANA at maging ng RB Sugbo Gamefowl Technology ang mamahagi ng kaalaman sa pagmamanok sa mga pangkaraniwang sabungero, na hangga’t maari ay libre. Tulad lang ng iba’t-ibang kumpaniya na namamahagi rin ng kaalaman. Ang kaibahan lang natin ay wala tayong produkto na tinutulak kaya mas malaya tayong makapagpasya kung ano para satin, batay sa ating pagaaral, ang mas maige. (Para sa karagdagang impormasyon at kaalaman magbasa sa blog natin tilaok.blogspot.com. Para sa inyong mga katanungan tungkol sa pagmamanok o kaya’y sa MANA magi-text: 0927-995-4876 o 0908-980-8154 o mag-email: mba1220bemin@yahoo.com)



Larga 12 june 13
Llamado Tayo
Rey Bajenting

Totoo ba ang kaliskis
Tulad po ng nasabi natin sa nakaraang linggo, balik sigla ang membership drive ng MANA pamamagitan ng pagtext. Ito ay dahil sa pahayagang ito na naglalathala ng ating pitak. Parami ng parami rin ang mga nagtatanong pamamagitan ng pag text.
At, isa pa, binabasa napo ng marami ang blog ng MANA sa internet, ang tilaok.blogspot.com. Marami nang mga katanungan ang ating natatanggap sa blog. Isa sa mga ito ay galing kay kamanang Al Canoy. Maganda itong paksa nya. Hinggil sa dapat gawin kung magkakaroon ng mamahaling pure trios. Mapapakinabangan ito kaya minabuti natin na ito’y ilathala.
Ang kanya pong katanungan:

________________________________________
From: Al Canoy
To: mba1220bemin@yahoo.com (tilaok.blogspot.com)
Sent: Friday, June 5, 2009 1:28:28 PM
Subject: inquiry
Dear Sir,

Good day to all of you...
By the way im Al Canoy from Philippines din at d2 me nagwork sa South Africa at every 3months ako nauwi jan sa atin...
Mayron sana akong mga katanungan about sa sabong sir dahil parang naging interested din naman ako sa sports na ito kaya sa kababasa ko sa internet nakita ko ang mga breeders ng America at tinawagan ko at bumili ako sa kanya ng trio at ganito ang mga tanong ko at sanay matulungan nyo ako: Nakuha ko ang mga manok na yan sa kay Mr. Ramon Rodriguez ng El Muneco sa U.S. medyo may kamahalan din peru ok lang at kaya me bumili ng ganun at sa mga nabasa ko nga eh dapat pumili ng maganda at wag bumili ng mga kahit saan lang kung nais talagang magbreed ng pangsabong...

1) May nabili akong trio na pure dinkfair sweeter , trio din ng pure hatch at trio ng claret.
Ito ang tanong ko:
a) paano ba ang mag maintain ng linyada nila dahil gusto ko padamihin ko muna ang pure
sweeter, pure hatch at pure claret bago ko e crossbreed sila...
Maraming salamat po at sana matulungan nyo ako...
Tks/Brgds,
AL Canoy



Ito naman, mga kamana, ang sagot natin:

Gud day kamanang Al,

Tama yang plano mo na paramihin muna ang mga pure bago ka mag crosses. Una para hindi mawala ang iyong pure lines. Kahit na mamatay o mawala ang mga originals mayroon kanang pures na matitira. Pangalawa, mas marami kang pure sa bawat linyada na maari mong pagpilian alin ang pinakamaigeng gamitin na pangasta.

Ang gawin mo kamana ay ipagpares mo ang mga magkasama na trio. Ang tatyaw na pure sweater ay ipares mo sa dalawang inahin na pure sweater din. Ang tatyaw na hatch doon naman sa mga inahin na hatch at ang tatyaw na claret ay sa mga inahin na claret.

Mas maige kung i-single mate mo sila. Markahan mo ang itlog na nanggaling sa bawat inahin. Halimbawa sweater hen A at sweater hen B; hatch hen A at hatch hen B; claret hen A at claret hen B. Markahan mo rin ang sisiw pagkapisa. Sa ganitong paraan ay malalaman mo kung alin sa dalawang inahin nanggaling ang sisiw. Makikita mo paglaki kung alin sa mga inahin ang mas maganda ang labas.

Samakatuwid sa bawat trio ay nay dalawang linyada ka. Sweater line A at line B; Hatch line A at line B; claret line A at line B.

Sa susunod na season pwede kanang mag crosses. Napakaraming variations na crosses ang maari mong gawin.Halimbawa original sweater x original hatch; sweater line A x claret line B. Original claret x sweater line B, etc. Napakaraming variations kamana.
Ipagpatuloy mo rin ang pagpapuro pamamagitan ng brother-sister mating or back to parent mating ng mga pures.

Ingat lang palagi sa pagpili. Selection is the key to success. Maging sa pag-inbreeding o pag-cross breeding.

Good luck sa iyong pagpapalahi.

Kamana Rey


Sir rey totoo ba na may manok na sa kaliskis palang ay makikita na kung ito ay mananalo o matatalo? (EDL 001165)
Kamana, marami ang naniniwala sa kaliskis. At sabi naman nila ay totoo daw na may kaliskis na sadyang nagpapanalo at may kaliskis din na natatalo.
Ngunit ako kamana ay di pa nakumbinse sa mga yan. Nanaliksik din tayo sa paksang yan. Ang nabuo nating kunklusyon ay walang sapat na batayan upang paniwalaan ang mga tinatawag na senyales. Sa isang uri ng kaliskis o senyales ay may nanalo may natatalo din. At may tao na gusto ang isang partikular na kaliskis, ngunit ang iba ay ayaw naman sa nasabing uri ng kaliskis.
Palagay natin kamana ang kaisa-isang paliwanag ay dahil ang kaliskis ay minsan namamana galing sa mga ninuno. Kaya kung magkataon na ang isang bloodline, na ang mga sakop ay may magkatulad na kaliskis, ay magpapanalo masasabi ngayon ng mga nagpapaniwala na ang kaliskis ang dahilan sa pagpapanalo ng mga manok na kabilang sa bloodline na ito. Pero, ang totoo nagpapanalo ang mga ito hindi dahil sa kaliskis kundi sa ibang aspeto tulad ng kagalingan sa pakipaglaban, tibay, cutting ability o lakas.
Ganito din kung taliwas naman ang mangyayari at ang isang linyada ay nagkatatalo. Sasabihin naman natin na masama ang kaliskis na taglay nila. Yon pala sadyang wala lang cutting o duwag ang linyadang ito kaya natatalo.
Ito rin ang dahilan bakit ang isang uri ng senyales ay maaring maganda para sa isang tao ngunit masama naman para sa iba. Dahil ang kani-kanilang paniniwala ay ibinatay nila sa kanilang sariling karanasan na may kinalalaman sa partikular na kalislkis o senyales.
Hindi naman siguro masama ang maniwala sa mga senyales. Ang masama kung inaasa mo na lang ang lahat sa senyales at kahit bulok na manok linalaban mo basta lang ang kaliskis ay maganda para sa iyo. Masama kung ang iyong pasya at gagawin ay naapektahan na sa iyong paniniwala. Halimbawa, ilaban mo ang iyong manok sa mas malaki o mas magulang dahil para sa iyo pangit ang senyales ng makakalaban ng manok mo.
May mga pagkakataon din na makakakita ka ng magaling na manok ngunit ito a i-reject mo dahil pangit ang kaliskis. Sayang ang pagkakataon mo na magkaroon sana ng magaling na manok. Wag tayo mag-paimpluwensya. Gawin lang nating katuwaan ang pag-kakaliskis. Nakakasiya rin ito.
Sa halip na maniwala sa kaliskis maniwala nalang tayo sa sipag at tiyaga.

Prinsipe ng Sabong
Napakaganda raw ng pelikulang Prinsipe ng Sabong. Ito ang sabi ng iilang mga kamana, partikular si kamanang Jun Santos, na nakapanood sa premier showing nito noong June 7 sa Robinson’s Galleria Cinema 2. Syempe naman magagandahan talaga tayo dahil and pelikulang ito ay hinggil sa ating pinakamamahal na isport na sabong. It’s a must viewing para sa ating mga sabungero.

Kaganapan sa MANA
Sa buwang ito dalawa ang pasabong ng MANA. Sa June 17 ay ang pang-anim na pasabong ng MANA Pasay-Taguig chapter sa Pasay Cockpit. Bawat pangatlong Miyerkules ng buwan ang pasabong ng MANA Pasay-Taguig sa Pasay Cockpit simula noong Enero.
Sa June 20 naman ang unang pasabong ng MANA Cavite. Ito ay gaganapin sa Cavite Coliseum sa Bacoor, Cavite. Ang sa Pasay ay 1-cock ulutan samantalang sa Cavite ay 1-cock ulutan/timbangan. Ibig sabihin sa Cavite ay maaring sa ulutan tayo sumali maari ring sa timbangan.

Sa June 28 sa Cebu ay magbubukluran ang mga chapters sa Cebu upang itatag ang MANA Cebu Chicken Ranchers Cooperative. Sa pagkakataong ito paguusapan ang mga seminar at training na gaganapin hinggil sa All-purpose chicken raising.

Mga tips galing sa Manwal ng Mana sa Praktikal na Pagpapalahi.
Kung nais nyo magkaroon ng kopya nito. Ibigay lang po ang email ad ninyo at i-email namin sa inyo ng libre. O kaya’y magbasa sa tilaok.blogspot.com for instructions. Marami pa po tayong kaalaman na mababasa sa tilaok.

Pagpalit ng tatyaw
Sa isang pagbaba ng tatyaw ay maaring ilang itlog o ilang araw pa bago mawala ang impluwensya ng semelya ng tatyaw. Kaya hindi kailngan na bawat araw mababaan ng tatyaw ang inahin. Isang baba sa bawat tatlong araw ay sapat na sapat pa. Kung magpalit ng tatyaw dapat may pagitan na 10 araw para makatiyak na ang itlog ay sa bagong tatyaw na ang lamang semelya.

Pagpapisa
May dalawang paraan ng pagpapisa ng sisiw. Natural o ang paggamit ng inahin sa paglimlim at ang artificial, o ang paggamit ng incubator. Parehong epektibo ang dalawang ito. Bagama’t may mga inahin na mas magaling maglimlim at may incubator naman na mas maganda ang pagkagawa kay sa iba. Subalit parehong sapat ang dalawang paraang ito para sa pagpapisa ng itlog. Ang mahalaga ay ang pagimbak ng itlog. Dapat kolektahin ang itlog arawaraw. Linisin pamamagitan ng pagpunas ng tuyong tela, markahan at iimbak. Lapis ang gamitin sa pag marka huwag pentel pen. Ang tenta ng pentel pen ay maaring maka apekto sa sisiw. Para siguradong di makalimutan o magkamali sa pagmarka magdala ng lapis at markahan ang itlog kung saan nakuha. Kung flock mating ilagay ang numero ng yard o pen. Kung single mating ilagay ang legband o kaya’y pangalan o ano ang pagkakilanlan ng inahin.
Ang payo ng mga dalubhasa ay huwag iimbak ang itlog ng lampas isang linggo bago ipalimlim o isalang sa incubator. Subalit sa natural na sitwasyon na pinababayaan lang ang inahin, hindi ba lampas isang linggo o dalawa pa minsan bago ang inahin ay maglimlim? Mahalaga lang siguro na galawin natin ang itlog arawaraw para hindi dumikit ang embryo sa shell. Sa natural na sitwasyon nagagalaw ng inahin ang itlog bawat pagsampa nito sa pugad upang magitlog. Isa pa, dapat sa malamig na lugar natin iimbak ang itlog, kung di man sa refrigerator. Paglampas kasi ng ng temperatura sa 16 0 17 degrees celsius , magsimulang ma develop ang embryo at dahil kulang ang init na ito para mapisa ang itlog, ang mangyayari ay mamatay o hihina lang ang embryo. Ang tamang temperatura upang mapisa ang itlog pagdaan ng 21 days ay 38 celsius o 100 farenheit. Sa mga lugar, tulad ng Metro Manila, kung saan may nga mapagkatiwalaang commercial hatchery, doon na lang natin sa commercial hatchery ipapisa ang mga itlog.
(Para sa karagdagang impormasyon at kaalaman magbasa sa blog natin tilaok.blogspot.com. Para sa inyong mga katanungan tungkol sa pagmamanok o kaya’y sa MANA magi-text: 0927-995-4876 o 0908-980-8154 o mag-email: mba1220bemin@yahoo.com)







Larga 11 june 6
Llamado Tayo
Rey Bajenting


Balik sigla dahil sa Larga

Aminin po natin na sa nakaraang mga buwan ang Masang Nagmamanok (MANA) ay nakaranas po ng mga pagsubok. Nahirapan tayo ng mamaalam ang pahayagang Tumbok at nawalan tayo ng epektibong tulay ng kumunikasyon. Dahil dito nahirapan tayong makipagugnayan sa marami nating mga kamana na umaasa lang sa ating pitak para sa mga pahayag hinggil at mga kaganapan sa Masang Nagmamanok (MANA).
Sinubukan nating gawan agad ng remedyos. Pinaigting natin ang pagpaseminar at pagbuo ng mga chapters sa pagaakalang sa pamamagitan nito mapunan ang puwang na naiwan sa pagkawala ng Tumbok. Ngunit hindi pala.
Napakakunti ng mga kamana at ng mga nais maging kamana na maabot natin sa mga pagpupulong at pagpapaseminar. Sa isang seminar marami na po ang may isang daan ka tao ang dadalo, kasama na dyan ang mga dati nang kamana. Kalimitan nasa 40 hanggang 60. Napakakunti po. Samantalang ang nagbabasa sa isang pahayagan tulad ng Tumbok ay daang libo bawat araw.
Isipin po natin na halos 90 porsyento ng may 12 libong kasapi ng MANA ay mga mambabasa ng ating pitak na nagparehistro lang pamamagitan nang pag text ng kanilang pangalan, address at hanapbuhay at nabigyan agad ng MANA membership number.
Ang mga membro ng chapters ay lampas lang kunti ng 2 libo. Ang may pinakamarami po ay ang Visayas na may 1,400 members na ngayon. Ito ay galing sa mga chapters sa Cebu (900), Bohol at Eastern Samar. Ang Mindanao ay may 300 members ng chapters. Sa Luzon, ay may 400.
Sa Luzon ang Cavite chapter ni kamanang Gani Dominguez ay may mahigit isang daan ka members kung ibatay natin sa attendance ng seminar noong nakaraang May 18. (Wala pang opisyal na numero ng membro na binigay ang Cavite). Ang Camarines Sur nina kamanang Jessie Abonite at Boying Santiago ay may mga isang daan din. Ang Pasay-Taguig nina kamanang Anthony Espinosa at Mhon Dayao ay may 80 members. Ang Monumento ni kamanang Dhong Palermo ay may 70 members. Ang natirang higit kumulang 50 members ay galing sa tatlong chapters ng Sampaloc/Tondo ni kamanang Loreto Casalhay; Mandaluyong ni kamanang Jeff Urbi; at Rizal ni kamanang Col Tito Corpuz.
Ngunit isipin nyo rin na sa 9 na libo na mga nagpamembro pamamagitan ng pag text, lampas 6 na libo ang ang galing ng Luzon. Bakit kaya, habang nasa 400 lang ang membro ng mga chapters sa Luzon?
Bakit?
Dahil ang karamihan ng sirkulasyon ng nagsarang Tumbok ay nasa Metro Manila, Calabarzon at Bicol. Kaya napakarami ang nakabasa sa ating pitak na Llamado Tayo habang tayo’y nasa Tumbok pa.
Sa mga numerong ito nakita po natin na sa Metro Manila, at karatig na lugar mas epektibo ang membership drive pamamagitan ng mass media. Samantalang sa Visayas, dahil walang gaanong sirkulasyon ang Tumbok doon, mas epektibo ang mga personal na paghihikayat. Sa Visayas habang 1,400 ang chapter members, wala pang 800 ang nagpamembro pamamagitan ng text. Ang marami pa dito ay hindi galing Cebu kundi sa Leyte-Samar area kung saan may sirkulasyon din noon ang Tumbok.

Ngayon Larga na!
Ngayon magpasalamat tayo sa pahayagang Larga. Dahil sa nakaraang ilang linggo muli na pong bumilis ang pagdami ng mga kasapi natin na nagparehistro pamamagitan ng pagtext. Dahil libo-libo din ang nagbabasa ng Larga. Hindi nga lang ito araw-araw, kundi isang labas lang isang linggo. Ngunit habang ang Tumbok ay general publication, ibig sabihin ang mga mambabasa ay sarisari, ang Larga ay pahayagang hinggil sa sabong lang at karamihan kundi man lahat ng mambabasa ng Larga ay sabungero at interesado sa mga adhikain ng MANA. Kaya bumalik napo ang sigla ng ating membership drive pamamagitan ng pagtext lang.
Magpasalamat po tayo sa Larga at naway patuloy nating itangkilik ang Larga, bilang pahayagan ng mga sabungero, pahayagan na natatawag na sariling atin. Ang Larga ay kapartner din ng MANA sa pagparating ng mga mensahe para sa ikabuti ng sabong at mga sabungero.
At, upang may katuwang ang ating pitak dito sa Larga sa paghikayat ng mga kasapi at paglathala ng ating adhikain at kaganapan, gumawa tayo ng blog sa internet, ang tilaok.blogspot.com na pwede nating basahin ano mang oras. Marami tayong makukuhang impormasyon at kaalaman hinggil sa pagmamanok sa tilaok.blogspot.com. Maari ding kayong magtanong sa blog natin at sasagutin din natin doon. Mas detalyado ang sagot natin sa internet kaysa text.
Nagumpisa narin tayong magipon ng email address ng ating mga kamana. I-niemail na din po natin sa mga kamana ang mga impormasyon at kaalaman. Halimbawa, pwede kayong magtanong na mas detalye pamamagitan ng email kaysa text. Pwede rin kayong humingi ng kopya ng kahit anong aklat, pamphlet, manwal, at artikulo ng RB Sugbo at MANA. I-email namin ang mga ito at libre.
Kaya mga kamana etext po sa 09279954876 o 09089808154 ang inyong email address o kaya’y email sa mba1220bemin@yahoo.com Ang hindi pa membro at gustong magpamembro itext lang o i-email ang pangalan, address, kontak number, at email ad (kung mayroon).

Mga katanungan:
Gandang hapon po kamanang Rey. Tanong ko lang po, ang 3-way at 4-way cross na cock ay hindi na po ba natin pwedeng gawing brudcock? (JS 1273)
Hindi naman sa hindi na pwedeng gawing brudcock and 3 o 4-way crosses. Kung talagang magaling, lalo na’t multiple winner maari nating subukang gawing tatyaw. Ang problema lang kasi ng mga multiple crosses ay hindi natin matiyak kung ano at aling katangian ang ibabato nito sa anak.
Kaya mas maige na puro ang gamiting tatyaw dahil matataya natin kung anuanong mga katangian ang ibabato nito.
Sa Manwal ng MANA sa Praktikal na Pagpapalahi ay pinaliwanag natin na ang inbreeding ay ang pagpapalahi ng magkamag-anak. Ibig sabihin ay ang tatyaw at ang inahin ay may magkaparehong ninuno sa loob ng 4-6 henerasyon o salinlahi.
Ginagawa ang inbreeding upang maging puro ang mga katangian na ibig nating isalin sa susunod na henerasyon. Ito ang tinatawag na “to purify”.
Ang pagpurify o pagpapuro ng mga magagaling na katangian upang ang mga itoy mas madaling maisalin sa mga sumusunod na henerasyon, ay ang layunin ng pag in-breeding. Dahil kung ang manok ay puro sa iilang katangian, wala itong ibang maibato sa anak kundi ang mga katangiang ito.

Gud day kamana. Pagsinabi po ba na baseline blood, ano po ibig sabihin? Sa inahin po ba applicable yon? (MANA 1152)
Ibig sabihin ng baseblood ay ang linyada na pambato ng isang breeder. Linyada na taglay ng karamihan kundi halos lahat ng mga linyada at crosses ng isang manlalahi. Halimbawa masasabi natin na ang lemon ay naging baseblood ng maraming manlalahi ng Negros noon nakaraang mga dekada. Ang iba’t-ibang uri ng sweater naman ang baseblood ng maraming breeders ngayon. Ang hatch ang naging baseblood ng mga Amerikanong breeders.
Ang baseblood ay maaring sa inahin o sa tatyaw kukunin.

Gud pm po. Saan parte o araw ng battle ready sa conditioning pyramid pweding simulan ulit ang conditioning ng manok na nacondition na pero hindi nailaban? Naibitaw na at nabigyan narin ng inahin. Mga ano pa po ang dapat gawin para mailaban ulit sa madaling panahon? Yong mga suplement ganon pa rin ayon sa nakasaad sa manwal ng Mana sa pagkundisyon? (Joey MANA T-10095)
Ganito kamana. Ang manok kasi na dinaan na natin sa peaking period at pagpatuktok o pointing ay makakarating na sa tuktok o malapit sa tuktok ng kanyang kakayahang pisikal. Kung di ito mailaban sa takdang araw at ilalaban natin makaraan ang ilang araw, malaki ang posibilidad na lalampas ito sa peak o tuktok. Maging off ito pag inilaban.
Kaya ang ginagawa natin ay ibaba ang energy level nito bago i-kundisyon muli. Ang nais natin ay paakyat ang performance level nito habang palapit ang laban. Masama kung pababa ang lebel ng kakayahan ng manok habang parating ang araw ng laban. Tama ang ginawa mo. Ibitaw, paliguan at bigyan ng inahin sa loob ng ilang araw. Bababa ang lebel ng pisikal na kakayahan ng manok. Pagkatapos umpisahan uli itong ihanda. Sa pagkakataong ito, dahil mababa na ang lebel ng kakayahan, wala na itong ibang patutunguhan kundi pataas basta wasto lang ang ating ginagawa.
Sa inyo na may kopya ng Manwal ng MANA sa Makabagong Pamamaraan ng Pagpili at Pagkundisyon madali ninyo itong mauunawaan. Basahin mabuti ang yugto hinggil sa pagkundisyon, partikular na ang pyramid conditioning na nakasaad sa manwal. Kung napansin nyo ang ating pyramid conditioning ay paakyat. Ang unang baitang ay ang foundation stage, sunod ay ang battle-ready stage, tapos ang peaking period. Ang huli ay ang pagpatuktok.
Pagdating sa tuktok, wala nang ibang patutunguhan kundi pababa naman. Ito ang iniiwasan natin. Kaya payo natin na kung nasa tuktok ang manok at di nailaban, huwag agad ilaban sa susunod na mga araw at baka magsimula nang bumaba ang lebel ng pisikal na kakayahan at maging off na ito kung ilaban.

Gud morning kamana. Ano po ang dapat gawin kung sa peaking period ay maulan buong week? Syempre nakakulong ang mga manok. Ano ang dapat gawin para di po magbago ang manok sa pakipaglaban sa araw ng laban? (T-10118)
Talagang problema kung tag-ulan kamana. Hindi lang kung paano makapag ehersisyo ang manok kundi pati na rin sa metabolismo atsaka sa body moisture. Kung
malamig kasi ang panahon hindi mataas ang body temperature ng manok kaya hindi ito kailangan magpalabas ng body heat pamamagitan ng evaporation. Hindi pinapawisan ang manok, di tulad ng tao. Ang paraan ng manok upang mailabas ang body heat pamamagitan ng evaporation ay ang paghingal. Kung hihingal ang manok lalabas ang tubig nito sa katawan pamamagitan ng evaporation. Kung malamig ang panahon hindi kailangan humingal ang manok kaya mananatili sa katawan ang moisture.
Sa pagehersisyo naman ang gawin mo kamana kung may malaki kang fly o conditioning pen na may bubong at di ito maulanan doon mo ilagay ang manok. Kung wala kahit sa maliit na pen. Ipatuloy lang ang pag kahig-kahig at sampi, scratch box at palakad. Ang ideya na maehersisyo ang manok kahit na maulan.
Kung sa peaking period hindi na gaanong problema dahil kunti na lang ehersisyo ang kailangan kasi malapit na naman ipahinga ang manok. Mas dapat bigyan pansin ang moisture control. Iwasan ang magbigay ng pakain na mataas ang moisture content tulad ng egg white, fruits at basang pellets o basang rolled oats.

Kaganapan sa MANA
Sa buwang ito dalawa ang pasabong ng MANA. Sa June 17 ay ang pang-anim na pasabong ng MANA Pasay-Taguig chapter sa Pasay Cockpit. Bawat pangatlong Miyerkules ng buwan ang pasabong ng MANA Pasay-Taguig sa Pasay Cockpit simula noong Enero.
Sa June 20 naman ang unang pasabong ng MANA Cavite. Ito ay gaganapin sa Cavite Coliseum sa Bacoor, Cavite. Ang sa Pasay ay 1-cock ulutan samantalang sa Cavite ay 1-cock ulutan/timbangan. Ibig sabihin sa Cavite ay maaring sa ulutan tayo sumali maari ring sa timbangan.
Sa June 28 sa Cebu ay magbubukluran ang mga chapters sa Cebu upang itatag ang MANA Cebu Chicken Ranchers Cooperative. Sa pagkakataong ito paguusapan ang mga seminarat training na gaganapin hinggil sa All-purpose chicken raising. Ito ay bagong pamamaraan kung saan pinapagala lang ang mga manok tulad ng native chicken ngunit American gamefowl ang gagamitin, hindi native o kabyr. Pastured chicken ang tawag sa mga ito kaya chicken ranchers ang tawag ng mga gumagawa nito.

Blog:tilaok.blogspot.com
Para sa karagdagang impormasyon at kaalaman magbasa sa blog natin tilaok.blogspot.com. Para sa inyong mga katanungan tungkol sa pagmamanok o kaya’y sa MANA magi-text: 0927-995-4876 o 0908-980-8154 o mag-email: mba1220bemin@yahoo.com

Ponkan broodcock

Ponkan broodcock
One of the ponkan broodcocks being readied by RB Sugbo for the incoming breeding season. RB Sugbo is among the gamefowl farms very much involved in the Masang Nagmamanok (MANA) Inc. nationwide gamefowl dispersal program.

Another ponkan

Another ponkan
Another ponkan broodcock in the trio pen.

Mana: Dami at Pagkakaisa

Walang duda napakalaki na ng pinagunlad ng sabong mula sa paging libangan tuwing araw ng Linggo, ito ngayon ay isa nang napakatanyag na isport, malaking industriya at kaakitakit na mapagkakitaan.

Napakarami nang nagpapalahi ng manok panabong. Nagsilabasan ang mga babasahin at programa sa telebisyon ukol sa sabong. Panay ang pa-derby at hakpayt sa buong kapuluan. Samantalang bumabaha sa merkado ang mga produktong pang manok. Sa likod ng lahat ng ito ay ang napakaraming masang sabungero na siyang tunay na gulugod o backbone ng industriya.

Sa bawat nagpapalahi, ilan ang tagapagalaga ng kanyang manok? Sa bawat may-ari ng sabungan, ilan ang naghahanapbuhay sa sabungan niya? Sa bawat kasali sa derby, ilan ang nagbabayad sa pinto upang manood? Sa bawat malaking sabungero, ilan ang mayroon lang iilang pirasong tinale sa kanilang bakuran? Dapat lang, at napapanahon na siguro, na ang masang sabungero ay mapagtuonan ng pansin, mabigyan ng kinatawan, at, marinig ang boses sa isport at industriya ng sabong.

Ito ang nais abutin ng MANA (Masang Nagmamanok), isang pambansang kilusan at samahan ng mga masang sabungero. Ang mga layunin ng MANA ay ang sumusunod:

1. Ang pangalagaan ang kapakanan ng mga maliit na sabungero, partikular na, ang mga naghahanapbuhay sa sabungan. Inaasam na sa darating na panahon, ang mga handlers, mananari, casador, kristos, sentensiyador, farm hands ay magkakaroon ng mga benepisyo tulad ng insurance, pension at iba pa.

2. Ang mapatingkad ang kaalaman ng ordinaryong sabungero sa pagmamanok. At, sila’y mabigyan ng pagkakataon na magkaroon ng angkop na materyales sa pagpapalahi at paglalaban.

3. Ang ipaglaban ang sabong sa gitna ng banta na itoy gawing labag sa batas tulad ng nangyari kamakailan lang sa Estados Unidos, at ipreserba ito bilang isport, hanapbuhay, industriya at bahagi ng ating kultura at tunay na mana.

4. Ang magtulungan at makipagtulungan sa iba pang haligi ng industriya sa ikabubuti ng sabong at ikauunlad ng lahat na mga sabungero.

Inaasahan na matupad ng MANA ang nasabing mga layunin pamamagitan ng pagpakita ng dami at pagkakaisa.

Ang pagkatatag ng MANA ay bunsod ng mungkahi ni kamanang Boying Santiago ng Camarines Sur na lumabas sa pitak na” Llamado Tayo,” na magtayo ng samahan ang mga masang sabungero. Ang pitak na ito, noon, ay arawaraw na lumalabas sa pahayagang Tumbok, na pagaari ng Philippine Daily Inquirer group of publications. (Ngayon mababasa ang Llamado Tayo sa dyaryong Larga Weekly.)

Ang Llamado Tayo ay tumatalakay sa ibatibang aspeto sa pagmamanok at binabasa ng napakarami arawaraw, kaya di nagtagal marami ang sumapi sa MANA.

Kasunod nito, ang MANA ay nakapagpaseminar sa ibatibang lugar at rehiyon ng Pilipinas, sa tulong ng mga kumpaniya tulad ng Excellence Poultry & Livestock Specialist, Bmeg-Derby Ace, Sagupaan, Secret Weapon, at Thunderbird.